Iginiit ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Senado na tutukan at tapusin ang trabaho sa halip na pakialaman ang People’s Initiative, magsalita ng kung anu-ano at pagdiskitahan ang trabaho ng House of Representatives.
Pagmamalaki ni Romualdez, 100% nang naaprubahan sa Mababang Kapulungan ang mga prayoridad na panukala na inilatag ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang nakalipas na State of the Nation Address (SONA).
Pagbibida ni Romualdez, wala silang “back subjects” at hinihintay na lang nila kumilos ang mga senador kung kailan tatapusin ng mga ito ang pag-apruba sa mga panukalang batas dahil mabagal silang kumilos.
Ibinunyag pa ni Romualdez na kaya hindi natuloy ang LEDAC meeting noong nakaraang araw ay dahil nagpapaligoy-ligoy umano ang Senado at humihiling ng extension sa priority measures.
Tiniyak naman ni Romualdez na kabila ng “toxic” na mga pahayag na nagmumula sa mga senador ay hindi papatol ang Kamara kaakibat ang payo sa mga senador na ayusin ang kanilang kilos at pakikitungo sa ngalan ng parliamentary courtesy.