Iimbestigahan din ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang umano’y hindi tamang paggamit ng pondo ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay makaraang makakuha ito ng otorisasyon sa House Committee on Rules para mag-imbestiga partikular sa potensyal na “malfeasance, misfeasance, and nonfeasance.”
Nag-ugat ito sa pagkabigo ng DepEd na agad na maipadala sa mga pampublikong paaralan ang biniling laptop at e-learning equipment.
Kasama ring bubusisiin ng komite ang mga puna na inilagay ng Commission on Audit (COA) sa pagsuri nito sa Computerization Program ng DepEd noong 2023 kung saan lumabas na 50.07% lamang ng budget para sa programa ang nagamit ng ahensya.
Kaugnay ito ay naniniwala naman si Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ang hindi magandang performance ng DepEd ay nagresulta sa hindi magandang performance ng mga estudyante ng bansa sa Programme for International Student Assessment (PISA).