Kinalampag ni House Assistant Majority Leader at Puwersa ng Bayaning Atleta o PBA Party-list Rep. Margarita Nograles ang Department of Labor and Employment o DOLE at Department of Migrant Workers o DMW.
Ito ay para aksyunan ang mga tinatawag na “ambulance-chasing labor lawyers” na umaatake sa maritime sector ng bansa partikular sa mga seaman at mga maritime manning companies.
Tugon din ito ni Nograles sa apela ng Association of Licensed Manning Agencies o ALMA sa pamahalaan na tuldukan ang kalokohan ng mga ambulance-chasing labor lawyers.
Batay sa impormasyong nakarating kay Nograles, “modus” umano ng mga ambulance-chasing labor lawyers na mag-alok ng serbisyong-legal sa mga seaman.
At gagamitin nila ito para i-harass ang maritime manning agency ng seaman at pipiliting maglabas ng pera upang makakuha ng claims o kompensasyon.
Pero ang masaklap ang makukuhang halaga mula sa manning agency ay babawasan nila at hindi buong mapupunta sa seaman.
Ipinaalala naman ni Nograles na sa ilalim ng Seafarers Protection Act, ang mga mapapatunayang ambulance-chasers ay pagmumultahin ng mula P50,000 hanggang P100,000 at makukulong ng isa hanggang dalawang taon.