Umano’y mga anomalya sa mga programa ng DOH, pinag-iimbestigahan sa Kamara

Pinapa-imbestigahan sa Kamara ng ilang mga Kongresista ang umano’y pag-abuso sa paggamit ng pondong nakalaan sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP) at iba pang programa ng Department of Health (DOH).

Sa inihaing House Resolution no. 353 ay tinukoy ni House Deputy Minority Leader and Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na pangunahing dapat silipin ang mga hindi nakumpleto, abandonado o hindi nag-ooperate na mga hospital at health facilities ng DOH.

Tinukoy din ni De Lima ang ibinunyag sa budget deliberations ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na 200 lamang mula sa kabuuang 600 na mga health center na itinayo sa ilalim ng HFEP ang operational.

Nakasaad naman sa House Resolution no. 351 na inihain nina Akbayan Party-list Representatives Chel Diokno, Perci Cendaña, Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, na nasa P400 billion ang nailabas na pondo sa mga lokal na pamahalaan ilalim ng HFEP sa nagdaang dekada.

Para ito sa pagtatayo, rehabilitasyon, at pagpapaganda ng barangay health stations, rural health units, at medical facilities sa bansa na iilan lang pala ang gumagana.

Facebook Comments