Umano’y mga bayarang vloggers na sumisira at naghahasik ng kasinungalihan, pinapakasuhan ng House Quad Committee sa NBI

Hindi palalagpasin ng House Quad Committee ang mga kasinungalingan at paninira sa mga miyembro nito na ikinakalat sa iba’t ibang social media platform ng umano’y mga bayarang vlogger.

Bunsod nito ay hiniling ni Quad Committee overall Chairman at Surigao del Norte Representative, Robert Ace Barbers, sa National Bureau of Investigation (NBI) na tukuyin, imbestigahan, at kasuhan ang mga vloggers na binabayaran umano ng mga sindikato ng iligal na droga at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) para magpakalat ng paninira at kasinungalingan.

Ang naturang hiling ay nakasaad sa liham ni Barbers kay NBI Chief Atty. Jaime Santiago.


Bukod dito ay nagsumite rin si Barbers ng paunang mga ebidensya sa NBI hinggil sa ikinakalat na paninira sa kanyang kapatid na si Surigao del Norte Governor, Lyndon Barbers, na isinasangkot sa ipinagbabawal na gamot.

Tiwala si Barbers sa kakayanan ng Cybercrime Division ng NBI na matutugunan ang mga cyber-related offense, lalo na ang mga target guluhin at sirain ang isang pampublikong proseso.

Facebook Comments