Nasagip ang siyam na potensyal na biktima ng human trafficking sa Bonggao, Tawi-Tawi kasunod ng ikinasang operasyon ng Philippine Navy, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at Local Government Unit.
Sa ulat ng Naval Forces Western Mindanao, ang mga naligtas ay kinabibilangan ng anim na babae at tatlong lalaki na lulan ng MV Magnolia Liliflora na naharang ng mga otoridad sa Bongao Pier, Brgy Poblacion, Bongao, Tawi-Tawi.
Patungo sana ang mga ito sa Malaysia para sa ipinangakong trabaho, na walang kaukulang mga dokumento.
Base sa salaysay ng mga biktima, sila ay nakatakdang sunduin pagdating sa Malaysia ng isang alyas Abdul.
Agad namang dinala sa Maritime Police Assistance Post sa Bongao Pier para sa profiling at dokumentasyon bago i-turn over sa Office of the Ministry of Social Welfare and Development Bonggao para sa counseling at stress debriefing.