Pinapa-imbestigahan ni Senator Leila de Lima ang mga napaulat na pag-abuso ng mga otoridad sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Binanggit ni De Lima, 10,000 police ang itinalaga sa mga checkpoints at borders ng NCR Plus bubble at sa unang araw ng implementasyon ay agad inaresto ang 5,400 violators ng curfew at minimum health safety protocols.
Pangunahing ding tinukoy ni De Lima ang pagkamatay ng dalawang quarantine violators sa Cavite at Laguna makaraang bugbugin umano at patawan ng mabigat na aktibidad.
Binigyang diin ni De Lima na nakakakilabot ang ganitong mga insidente sa harap ng pandemya kung kailan nag-iingat at nangangamba tayo sa pagkakasakit, ay may nangyayari pa ring karahasan na dahilan ng pagkamatay ng ating mga kababayan.
Sa inihaing Senate Resolution No. 703 ay iginiit ni De Lima na kailangan itong imbestigahan upang tukuyin ang pananagutan ng mga sangkot nang hindi na tularan ng iba at hindi na maulit pa ang ganitong trahedya.