Isolated case lamang ang naitatalang pagdukot sa mga bata sa bansa.
Ito ang sinabi ni PNP Spokesperson Senior Superintendent Bernard Banac matapos ang mga ulat na dumadami ang bilang ng mga batang dinudukot sa hindi pa matukoy na dahilan.
Ayon kay Banac, isang babae sa Parañaque City ang inaresto kamakailan matapos na mahuli sa tangkang pagdukot sa kanyang bagong biktima.
Inamin umano ng babaeng ito na kabilang sya sa isang grupo na ang trabaho ay magdukot ng mga bata para maisabak sa Child Pornography.
Iisang grupo lamang aniya sila na nag-iikot maging sa probinsya para makapang-biktima.
Giit ni Banac hindi dapat na maalarma ang publiko dahil ginagawa ng PNP, sa abot ng kanilang makakaya, para maaresto ang lahat ng miyembro ng grupo.
Sa ngayon, panawagan ni Banac sa publiko lalo na sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak.