Tanggap ni Senator Ping Lacson ang hindi pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga isiniwalat niyang pork barrel items na nakapaloob sa 4.1-trillion pesos na 2020 national budget.
Ayon kay Lacson, nangako si Budget Secretary Wendel Avisado na hindi ire-release ang pondo para tinukoy niyang pork barrel items sa pambansang budget.
Tiwala si Lacson na siguradong tutuparin ni Avisado ang nabanggit na pangako dahil ang hindi pagpapalabas ng pondo ay katumbas na rin ng pag-veto ng Pangulo.
Magugunitang ibinunyag ni Lacson ang umano ay malalaking lumpsum, last minute insertions o amendments na ginawa ng mga kongresista sa 2020 budget.
Tinukoy ni Lacson na pinakamalalaking insertions ay para sa Albay, Cavite, Sorsogon, Batangas, Bulacan, Pangasinan at Cebu.
Kabilang din aniya sa pinalaaanan ng lumpsum funds ang 117 flood control projects na ginagamit umanong gatasan ng kumisyon ng mga tiwaling pulitiko.