Umano’y nilulutong impeachment complaint kay PBBM, wala pa sa ngayon

Wala pang formal impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naihain o umiikot sa House of Representatives sa kasalukuyan.

Ayon kay Tingog Party-list Representative Jude Acidre, kasunod ng pahayag ni House Senior Deputy Minority Leader Edgar Erice na may ilang mambabatas na nagpaplanong maghain ng impeachment complaint laban sa Pangulo, mainam na huwag munang magbigay ng komento kung hindi pa nila ito nakikita o napag-aaralan.

Giit ni Acidre, ang anumang impeachment ay dapat nakabatay sa Konstitusyon, at hindi sa mga espekulasyon o kwentong may halong pamumulitika.

Diin pa niya, ang anumang hakbang para patalsikin ang Pangulo sa pamamagitan ng impeachment ay dapat suportado ng matitibay, malinaw, at may kredibilidad na ebidensya, at hindi dahil lamang sa intriga o political pressure.

Facebook Comments