Umano’y ouster plot kay PBBM, minaliit ng DILG

Chismis lang ang naging pagbubunyag ni dating Senador Antonio Trillanes IV kaugnay sa sinasabing destabilization plot laban kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Ito ang sinabi ni Interior & Local Government Sec. Benhur Abalos matapos na bumisita kahapon sa burol ni PCpt. Roland Moralde sa PNP mortuary sa Kampo Krame na nasawi matapos mabaril ng kabarong pulis sa Parang, Maguindanao del Norte nitong May 2.

Ayon kay Abalos, walang dapat ikabahala sa sinabi ng dating senador at hindi na ito dapat pang patulan.


Aniya, sa halos lahat ng administrasyon ay may mga ganitong chismis kaya lumalabas na pangkaraniwan lamang ito.

Pagtitiyak pa ng kalihim na 101% ang suporta ng buong hanay ng Pambansang Pulisya sa Marcos Administration.

Una nang sinabi ng pamunuan ng PNP na wala silang namomonitor na anumang banta ng destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.

Umapela din ang PNP kay Trillanes na tigilan na nito ang pagdadawit sa PNP sa umano’y pagkakaroon ng sabwatan para pabagsakin ang Marcos Jr. Administration.

Facebook Comments