Tiniyak ni Senator Francis Kiko Pangilinan na magsasagawa ng pagdinig ang Senado ukol sa umano’y pagbili ng Department of Agriculture (DA) ng overpriced na fertilizer o abono na bahagi ng ayuda sa mga magsasaka.
Tugon ito ni Pangilinan sa panawagan ng SINAG o Samahang Industriya ng Agrikultura sa Senado na imbestigahan ang pagbili ng DA sa Central Luzon ng 5.6-billion pesos na 1.81 milyong bag ng Urea fertilizer na ibibigay sa mga magsasaka.
Sa impormasyon ng grupo, 830 pesos lang kada bag ang halaga ng nabanggit na abono pero 1,000 pesos ang bili ng DA.
Nangako naman si Committee on Agriculture Chairperson Senator Cynthia Villar na magsasagawa sya ng pagdinig hinggil dito, pero kailangang hintayin pa ang muling pagbubukas ng session sa Hunyo para sya ay makapaghain ng resolusyon.
Sa ngayon, ayon kay Villar ay maaaring idulog ng agri groups at mga magsasaka ang kanilang reklamo sa state prosecutor at sa Department of Justice (DOJ).
Binigyang diin ni Villar na dapat tiyaking tama ang paggastos sa pondo ng gobyerno para masiguro na mapapakinabangan ito ng mga benepisyaryo na labis na apektado ng COVID-19 pandemic.