Pinapa-imbestigahan ni Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo Ordanes sa Kamara ang alegasyong pag-abuso at katiwalian ng ilang organisasyon sa Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment.
Sa inihaing House Resolution 506 ay binanggit ni Ordanes na nakatanggap ang kanyang tanggapan ng mga reklamo mula sa mga nakatatanda na may ilang senior citizen organizations na humihingi umano ng “membership fee” sa mga lolo at lola para mapasama sa TUPAD Program.
Kapag naging benepisaryo na ang senior citizens ng programa ay inoobliga umano sila ng nasabing ilang organisasyon na magbigay ng kalahati ng halagang natanggap mula sa TUPAD.
Ayon kay Ordanes, ang naturang mga alegasyon ay maituturing na krimen at taliwas sa mandato at intensyon ng TUPAD Program na magbigay ng “emergency employment” sa mga nawalan ng trabaho at underemployed o seasonal workers, mula 10-araw ngunit hindi lalagpas ng 30-araw, depende sa “nature” ng trabaho.
Kasama sa programa ang mga senior citizen na hindi lalagpas ng 75 na taong gulang na kaya pang magtrabho at hindi nakatatanggap ng social pension.