Itinanggi mismo ni National Task Force (NTF) Deputy Chief Implementer at Testing Czar Secretary Vince Dizon na siya na ang Campaign Manager ni Manila Mayor Isko Moreno.
Kasabay ito ng pagtanggi rin ng malakanyang ulat kung saan sinabi ni Cabinet Secretary at Acting Spokesperson Karlo Nograles na manananatiling miyembro ng gabinete si Dizon at patuloy na magtatrabaho bilang Presidential Adviser for COVID-19 response.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Dizon ang naging paliwanag na ito ni Nograles na hindi siya bahagi ng kampanya ng sinumang kandidato para sa eleksiyon 2022.
Nakatuon lamang aniya siya sa pangkalahatang COVID-19 response at recovery ng gobyerno kabilang na ang programang pagbabakuna.
Matatandaang una nang inihayag ni Lito Banayo ng kampo ni Moreno ang bagong papel ni Dizon sa kampanya ng alkalde.
Pero kasunod ng pahayag ni Dizon, sinabi ni Banayo na iginagalang nila ang desisyon ni Dizon at sinusuportahan ang kaniyang mga adhikain habang hinihintay ang pagsali niya sa Team Isko.