Umano’y pag-repack ng Pharmally Pharmaceutical Corporations ng marumi at substandard na face shield, isiniwalat sa pagdinig ng Senado

Sa pagpapatuloy ngayon ng ika-siyam na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay ipinirisinta ni Senator Risa Hontiveros ang recorded video ng isang boses lalaking empleyado umano ng Pharmally Pharmaceutical Corporations na nakatalaga sa warehouse nito.

Para sa kanyang seguridad ay pinalabo ang mukha ng empleyado sa video, siya ay naka-hood at naka-face mask din.

Kanyang ikinwento na nagre-repack sila sa warehouse ng Pharmally ng mga face shields na luma, madumi, yupi-yupi, nangingitim at naninilaw na ang kulay.


Sabi niya, sa utos ng opisyal ng Pharmally na si Krizel Grace Mago ay pinapalitan nila ng taong 2021 ang certificate ng face shield kung saan nakasaad ang 2020 na production date.

Binanggit din ng empleyado na sa pag-repack ng maduduming face shield ay wala silang suot na gloves o anumang proteksyon sa katawan.

Sa pagkakaalam ng nasabing empleyado ay para umano sa mga doktor at nurse ang nasabing mga face shield na kapag natapos na nilang i-repack ay nilalagyan nila ng sticker na Philippine Government Property kung saan nakasulat din ang Department of Health (DOH).

Binanggit din ng empleyado na isang beses ay nakita nya ang isa pang opisyal ng Pharmally na si Mohit Dargani.

Facebook Comments