Binatikos ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang umano’y paggastos ng gobyerno sa mga base militar ng Estados Unidos sa ating bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Inihayag ito ni Brosas sa pagbusisi ng House Committee on Appropriations sa proposed 2024 budget para sa Department of Public Works and Highways o DPWH.
Partikular na tinukoy ni Brosas ang 3 kilometrong runway sa Balabac Island na kabilang sa dagdag na mga EDCA sites at lalaanan ng ₱150-M mula sa Tatag ng Imprastraktura Para sa Kapayapaan at Seguridad o TIKAS ng program ng DPWH.
Binanggit din ni Brosas ang konstruksyon ng hangar ng Mactan-Benito Ebuen Air Base na kabilang sa naunang limang EDCA sites sa bansa na gagastusan naman ng ₱111.29-M sa ilaim din ng TIKAS program.
Giit ni Brosas, ang nabanggit na pera ng taumbayan ay mas dapat gugulin sa pagkain at serbisyo para sa mamamayan at sa iba pang social infrastructure projects sa halip na waldasin sa mga base militar ng Amerika na hindi naman natin pinakikinabangan.
Diin ni Brosas, malinaw sa EDCA provisions na ang mga US bases ay ilalagay sa US extraterritorial control kaya hindi man lang malayang makakapasok at makakapag-inspeksyon dito ang mga Pilipino.