Kinukumpirma pa ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang ulat na nahuli na si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Matatandaang nagtago si Roque mula nang ipaaresto ng Quad Committee ng Kamara dahil sa hindi pagsusumite ng kanyang SALN kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y ugnayan niya sa operasyon ng POGO.
Sa ambush interview sa Villamor, sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remullla na nakausap niya si Philippine National Police Chief Rommel Marbil at sinabing wala pang impormasyon sa pagkakadakip ni Roque.
Gayunpaman, patuloy aniya ang kanilang paghahanap at pagbabantay sa mga kilos ng abogado para mahuli ito.
Nakipag-ugnayan na rin ang Philippine National Police (PNP) sa National Bureau of Investigation (NBI) para kumpirmahin ang ulat na nahuli na ng mga awtoridad si Roque.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi kriminal ang turing ng pulisya sa paghahanap kay Roque dahil hindi naman siya nahaharap sa kasong kriminal, kundi pinahuhuli lang ng Quad Comm bilang resource person.