Pinabulaanan ni dating Supreme Court Associate Justice at 1Sambayan Lead Convenor Antonio Carpio na kabilang siya sa mga naghain ng petisyon para maibasura ang kandidatura sa pagka-pangulo ni dating Senador Bongbong Marcos.
Kasunod ito ng pagbubunyag ng abogado at spokesman ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na may hinala silang si Carpio ang nasa likod ng petisyon.
Depensa ni Carpio, may mga nagtanong lamang sa kaniya kung maaari bang maghain ng disqualification case laban kay Marcos.
Ito ay matapos isulat sa isang artikulo sa dyaryo kung maaaring matanggal si Marcos sa kaniyang pagtakbo bilang pangulo.
Giit ni Carpio, pinayuhan lamang niya ang kampo ni Marcos na sagutin ang petisyon at hayaan ang Commission on ELection o COMELEC na magdesisyon.
Una nang iginiit ni Rodriguez na nuisance, katawa-tawa at walang basehan ang inihaing petisyon sa COMELEC ng isang grupo na nanawagan ng kanyiang disqualification.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang kinatawan ng Task Force Detainees of PH, Kapatid, Medical Action Group, FIND, PH Alliance of Human Rights Advocates at Balay.