Umano’y pagmamaliit ni Sen. Villanueva sa ilang partylist congressmen, pinalagan sa Kamara

Hindi pinalampas ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang umano’y pagmamaliit ni Senator Joel Villanueva sa mga partylist congressmen.

Ayon kay Tulfo, nagulat siya sa banat ni Villanueva lalo na’t ang ama nito na si Cibac Party-list Representative Brother Eddie Villanueva ay kasama nila sa partylist coalition.

Bunsod nito ay pinayuhan ni Tulfo si Senator Villanueva, na kausapin ang kanyang ama dahil tiyak na nasaktan din ang mga constituent o supporters ng tatay niya sa kanyang mga pahayag.


Kasabay nito ay pinaalala rin ni Tulfo kay Villanueva na ang party-list ay itinatag sa bisa ng isang batas na ang layunin ay matutukan ang kapakanan ng mga pilipino na hindi nahahagip ng anumang distrito.

Inalmahan din ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pahayag ni Villanueva sa pagsasabing ang mga senador at kongresista ay “equal public servants” habang ang publiko ang “superior” sa kanila.

Giit ni Adiong, nagkamali si Villanueva sa kanyang pangmamaliit sa mga partylist representative dahil hindi naman gagana ang Senado kung wala ang Kamara, at gayundin ang Kamara kung walang Senado.

Mensahe pa ni Adiong kay Villanueva, kung mayroong hindi pagkakaintidihan ay dapat pairalin pa rin ang respeto sa isa’t isa at mainam na ituon na lamang ang pansin sa importanteng isyu at huwag idaan sa aroganteng pananalita.

Facebook Comments