
Nagbabala si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa posibilidad na maulit sa 2026 national budget ang umano’y pagnanakaw na nangyari sa 2025 budget.
Ayon kay Duterte, nananatiling mataas ang panganib ng pag-uulit ng katiwalian dahil hanggang ngayon ay wala pa ring nakakulong na itinuturing na mastermind o utak ng korapsyon sa 2025 budget.
Dahil dito, iginiit ng mambabatas na walang mangyayaring tunay na reporma kung paulit-ulit lamang ang parehong uri ng katiwalian.
Bunsod nito, naniniwala si Duterte na mahihirapang maibalik ang tiwala ng mamamayan hangga’t nananatiling walang pananagutan ang mga sangkot at patuloy ang umano’y pang-aabuso sa pondo ng bayan.
Punto pa ng kongresista, kung hindi man marunong mahiya ang mga responsable, dapat sana’y marunong silang maawa sa taumbayan at pairalin ang tunay na pananagutan, gayundin ang paglilinis sa proseso ng pagpasa at paggastos ng kaban ng bayan.










