UMANO’Y PAGNANAKAW SA MANGALDAN, NABISTO

Arestado ang isang 29 anyos na construction worker mula Muntinlupa City matapos umanong pasukin at pagnakawan ang bahay ng mag-ina sa Mangaldan pasado alas-12:10 ng madaling-araw nitong 23 Nobyembre 2025.

Ayon sa imbestigasyon, ang mga biktima ay isang 40 anyos na maybahay at ang kanyang 19 anyos na anak na estudyante, kapwa residente ng nasabing bayan.

Nakuhanan sa CCTV ang suspek na pagala-gala sa paligid ng kanilang tahanan bago umano ito pumasok sa bintana.

Pagkapasok, nilibot ng suspek ang dalawang silid at tinangay ang iba’t ibang gadgets na pag-aari ng mga biktima.

Matapos ang pagnanakaw, umano’y humiga pa ang suspek sa ibabaw ng isa sa mga biktima — isang insidenteng nasaksihan mismo ng 19 anyos na anak na nagresulta sa pagkakakilala sa kanya.

Agad namang rumesponde ang bayaw ng mga biktima at nasakote ang suspek.

Humingi rin ng tulong ang mga biktima sa mga opisyal ng barangay, na nagdala sa pagkakaaresto ng lalaki.

Dinala ang suspek, kasama ang mga nabawing gadgets, sa Mangaldan Police Station para sa dokumentasyon at karampatang imbestigasyon.

Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente para sa posibleng pagsampa ng karagdagang kaso. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments