Walang utos ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nito na isailalim sa “profiling” ang mga indibidwal na lumahok sa kilos-protesta sa Commission on Elections (COMELEC) matapos ang eleksyon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police BGen. Roderick Alba, walang katotohanan ang mga alegasyon na tinandaan nila ang mga nagsagawa ng rally.
Paliwanag niya, ang trabaho lang ng mga pulis na nagbantay sa COMELEC ay tiyaking mapayapa ang pagkilos at hindi ito mauuwi sa karahasan.
Ginawa rin daw ng mga pulis sa COMELEC ang situationer report sa bilang ng mga lumahok sa rally at pangkalahatang assessment sa aktibidad.
Magagamit raw kasi ito na batayan sa pagpaplano sa mga susunod na deployment para sa mga kaparehong pangyayari.
Pagtitiyak ni Alba, sumusunod sila utos na “maximum tolerance” sa mga rally.
Nirerespeto rin daw nila ang karapatan ng mga tao na nais magpahayag ng kanilang opinyon.