Wednesday, February 25, 2026

Umano’y pagtanggap ng male-maletang pera, mariing itinanggi ng mga dating kinatawan ng Makabayan Bloc

Mariing pinabulanaan ng mga dating kinatawan ng Makabayan Bloc na sina Party-list Rep. France Castro ng ACT Teachers, Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party at Rep. Raoul Manuel ng Kabataan na tumanggap sila ng male-maletang puno ng pera mula kay dating Cong. Zaldy Co.

Giit nina Castro, Brosas at Manuel, ang nabanggit na malisyosong impormasyon o tsismis na ikinakalat sa social media ay isang desperadong hakbang para ilihis ang atensyon ng lahat mula sa seryosong kasong kriminal na kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) at sa pagsisimula ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang joint statement ay kanilang binigyang-diin na malinaw ang track record ng Makabayan na hindi nagpapayaman sa pwesto.

Ipinunto rin ng mga dating kinatawan ang timing ng pagkakalat ng nabanggit na imbentong alegasyon para siraan ang lihetimong mga imbestigasyon laban sa mga Duterte.

Ayon sa former Makabayan lawmakers, kitang-kita ngayon ang nakagawiang Duterte playbook na kapag nako-korner ng mga ebidensya sa kanilang mga krimen at katiwalian ay nag-iimbento ng kasinungalingan at umaatake sa mga nag-aakusa sa kanila.

Kumpyansa sina Castro, Brosas at Manuel na hindi maloloko ng mga Duterte ang mamamayang Pilipino at hindi sila makakatakas sa kanilang pananagutan kahit anong klaseng paghihiganti o kasinungalingan ang kanilang ikalat laban sa mga nagsasalita at lumalaban para sa hustisya at katotohanan.

Facebook Comments