Umano’y pagtatakip ng mayorya sa Kongreso sa P125-M ng OVP, binatikos ng Makabayan Bloc

Kinondena ng Makabayan bloc na sa halip pagpaliwanagin ang Office of the Vice President (OVP) ukol sa ginastos na P125 million na confidential fund ay agad tinapos ng House Committee on Appropriations ang pagbusisi sa budget nito.

Para kay House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, kitang-kitang ang pagiging ipokrita umano ng OVP na nagsabing kaya nitong ipaliwanag ang kontrobersyal na confidential funds.

Dismayado si Castro na halip maging tagapagbantay ng kabang-yaman ng mamamayan, ginamit ng mayorya sa Kongreso ang budget hearing upang pagtakpan at panatilihing lihim ang umano’y iregularidad sa P125-M confidential fund na ginastos ng tanggapan ng bise presidente noong 2022.


Kinondena din ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang proceedings ng House Committee on Appropriations kung saan isinangkalan umano ang parliamentary courtesy para proteksyunan ang OVP na aniya’y salungat sa umiiral na demokrasya sa bansa at hadlang sa pagsilip sa paraan ng pagastos sa pera ng mamamayan.

Giit naman ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, sa gitna ng maraming pilipino na naghihirap at walang trabaho ay dapat lang ipaliwanag kung paano ginagastos ang napakaling confidential funds.

Facebook Comments