Pinapa-imbestigahan ni Quezon City Rep. Marvin Rillo ang umano’y hindi matagumpay na pagpapatupad sa “National Rabies Prevention and Control Program” o NRPCP na pinondohan ng P500 million kada taon.
Sa inihaing House Resolution 462 ni Rillo ay kaniyang binanggit na dahil ito ay malabong makamit ang target na maideklara ang Pilipinas na “rabies-free” ngayong 2022.
Binanggit ni Rillo ang Republic Act 9482 o Anti-Rabies Law of 2007, na layuning makontrol, mapigil at mapuksa ang “human and animal rabies” at isulong ang responsableng pag-aalaga ng mga hayop.
Diin pa ni Rillo, ang rabies ay 100% na pwedeng mapigilan sa pamamagitan ng bakuna pero nakakalungkot na patuloy itong nagiging problema sa bansa.
Tinukoy ni Rillo na base sa datos mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon ay nasa 248 ang mga tinamaan ng rabies at nasawi, at ito ay mas mataas ng 23% kumpara sa 202 na bilang noong 2021.
Ayon kay Rillo, layunin ng gagawing pagdinig ng Kamara na makapagrekumenda ang mga mambabatas ng mas malakas na hakbang upang tuluyang maiwasan ang pagkasawi ng mga tao dahil sa rabies.