
Kinondena ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando ang umano’y panawagan ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis Jr. na banggitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang pagkontra sa legislated wage hike.
Para kay San Fernando, ang nabanggit na mensahe mula sa liderato ng ECOP ay nagpapakita ng kawalan ng kahihiyan, walang puso, at sagad sa buto na pagkaganid.
Nakakagalit din para kay San Fernando na tila inuutusan ng ECOP ang Malacañang at pinapalabas na parang lapdog o sunod-sunuran lang sa mga negosyante si Pangulong Marcos Jr.
Ayon kay San Ferdnando, kapag pinagbigyan ni PBBM ang nais ng ECOP ay lalabas na ang isinusulong nitong Bagong Pilipinas ay katulad lang din ng lumang sistema kung saan kayod-marino ang mga pangkaraniwang manggagawa habang lalong nagpapasasa sa yaman ang mga bilyonaryo sa bansa.









