*Cauayan City, Isabela- *Inihayag ni Atty. Levito Baligod, ang abogado ng dalawang umanoy testigo na nagpapatunay na mayroon umanong nangyaring dayaan noong 2010, 2013, at 2016 automated eleksyon.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Atty. Levito Baligod na isa sa mga nagsalita sa senate House Oversight Committee Investigation hinggil sa isyung anomalya sa Smartmatic at Commission on Elections (COMELEC) vote rigging nitong ika-tatlumpu’t isa ng Hulyo na mayroon umano silang nakitang tatlong bagay na makapagpapatunay na dinaya ang nakalipas na halalan.
Una ng inihayag ni senate president Tito Sotto III sa kanyang privilege speech na mayroon siyang matibay na ebidensya na may pandarayang naganap sa tatlong halalan mula na rin umano sa kanyang source na insider ng COMELEC.
Una rito ay nakitang mayroong nangyaring maagang transmission ng mga boto ng mga makina bago ang oras ng eleksyon, pangalawa ay mayroon umanong nakitang nagmanipula sa mga pigura mula sa isang computer sa bansang amerika upang utusan ang mga servers dito sa Pilipinas.
Pangatlo umano ay ang abnormal na transmission ng mga pigura sa mga panahon na hindi naman masyadong marami ang pumapasok na bilang ng boto sa main server ng COMELEC at sa Smartmatic.
Ayon pa kay Atty. Baligod, marami umanong mga tiwaling personalidad ang nasa COMELEC na ayaw umamin sa likod ng nasabing anomalya.
Sa ngayon ay mayroon ng isinasagawang imbestigasyon ang Oversight Committee ng senado at kamara upang malaman ang katotohanan hinggil sa naturang isyu.