Itinanggi ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na personal na kilala ng officer-in-charge nitong si Police Lt. General Vicente Danao Jr. ang pamiya ng suspek sa hit-and-run incident sa Mandaluyong City noong June 5.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, mismong ang mga magulang ng SUV driver na si Jose Antonio Sanvicente ang naghanap ng kakilala na pwede nilang makausap at maiparating kay Danao planong pagsuko ng kanilang anak.
Noong mismong araw lang din aniya na sumuko ang suspek, personal na nakilala ni Danao ang mga Sanvicente.
Bago ito, inulan ng puna ang PNP sa tila pagbibigay ng VIP treatment sa pamilya Sanvicente dahil sa hindi pagkulong sa SUV driver.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni Fajardo na walang legal na basehan ang PNP para arestuhin si Sanvicente dahil wala namang arrest warrant na inilalabas ang korte laban sa kanya.
Kasabay nito, tiniyak ni Fajardo sa publiko na walang pinipilng kulay o estado sa buhay ang PNP sa pagpapatupad ng batas.
Patunay aniya rito ang agarang pagsasampa ng kasong frustrated murder at abandonment of one’s own victim laban sa SUV driver.
Sa huli, tiniyak ni Fajardo na oras na makitaan ng probable cause at mag-isyu ng warrant of arrest ang korte ay agad nilang isasailalim sa kustodiya ng PNP si Sanvicente.