Umano’y planong impeachment ng Makabayan bloc at liderato ng Kamara laban kay VP Sara Duterte, imahinasyon lang at walang katotohanan

Courtesy: House of Representatives

‘Very delulu’ o imahinasyon lamang ni Vice President Sara Duterte ang isiniwalat nito na pulong ng Makabayan bloc kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez para sa planong impeachment laban sa kanya.

Ayon kay House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas, walang katotohanan ang naturang pahayag ni VP Sara na ang layunin ay ilihis ang atensyon ng publiko mula sa negatibong isyu laban sa kanya at sa pagiging bratinella niya.

Diin naman ni House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, kasinungalingan din ang binanggit ni VP Sara na may pahayag ang Makabayan bloc noong Setyembre 2023 na nagtutulak ng impeachment laban sa ikalawang pangulo.


Sa katunayan, ayon kay Castro, sinabi nila noong Agosto at Nobyembre 2023 na premature ang usapin sa impeachment laban kay VP Sara.

Ayon kay Castro, dapat ituwid ni VP Duterte ang mga impormasyon o detalyeng ikinakalat nito at hindi puro Marites o tsismis ang pinagmulan.

Facebook Comments