
Pinapa-imbestigahan sa Kamara ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc ang umano’y mga maanumalyang investments na ginawa ng Government Service Insurance System (GSIS).
Nakasaad ito sa House Resolution number 415 ata 416 na inihain nina Representatives Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list, Renee Co ng kabataan partyllist at Sarah Elago ng Gabriela Women’s Party.
Tinukoy sa mga resolusyon ang ₱8.8 billion na pagkalugi ng GSIS at ang kahina-hinalang investments kung saan nasa 2.6 million na mga government employee ang nalagay sa alanganin.
Kasama sa pinapasilip ng Makabayan Bloc na dapat ipaliwanag ng pamunuan ng GSIS ang umano’y naluging ₱1 bilyong na itinaya umano ng ahensya sa online gambling.
Binanggit din sa resolusyon ang hindi pagbibigay ng cash dividend sa mga miyembro ng GSIS mula pa noong 2019.
Ayon kay Congressman Tinio, kailangang imbestigahan ng Kamara ang mga paratang na financial mismanagement, kakulangan sa transparency, at paglihis sa tamang pamamaraan ng pamamahala sa GSIS.









