
Magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Energy (DOE) upang alamin kung may sabwatan sa mga kumpanya ng langis kaugnay ng presyo ng petrolyo.
Ito ay kasunod ng pahayag ni House Committee on Ways and Means Rep. Miro Quimbo na posibleng may oil cartel na kumokontrol sa presyo ng langis sa bansa.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na dapat itong imbestigahan at nakipag-ugnayan na sila sa Philippine Competition Commission (PCC) hinggil dito.
Ayon sa kalihim, handa ang DOE na magbigay ng impormasyon at suporta sakaling mapatunayang may sabwatan sa pagitan ng mga kumpanya ng langis.
Bukas din ang ahensya sa anumang panukalang batas ng Kongreso na layong mapabuti ang sistema.
Una nang tinutulan ni Quimbo ang panawagan ng ilan na alisin ang value-added tax sa langis upang mapababa ang presyo ng petrolyo, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin ng mga mamimili.










