May hinala si House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party-list Representative France Castro na may kinalaman ang sikretong kasunduan ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa China sa bagong polisiya nito na nagpapahintulot sa China Coast Guard na magsagawa ng pag-aresto sa inaangkin nitong teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) na sakop ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Buo ang paniniwala ni Castro na ang umano’y secret deal ni Duterte sa China ang ugat ng tumitinding pag-angkin at pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea tulad ng pagsasagawa nito ng water cannon attack.
Kaya naman para kay Castro, marapat lamang ang gagawing imbestigasyon ng Kamara sa nabanggit na umano’y secret deal ni Duterte sa China.
Bunsod nito ay umaasa si Castro na bukod sa mga dating opisyal ng Malacañang tulad ni dating Presidential Spokesman Harry Roque ay ipapatawag din sa pagdinig si dating Pangulong Duterte dahil siya mismo ang may alam sa kanilang usapan ni Chinese President Xi Jinping.