Nasabat ng mga tauhan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) ang nasa milyon-milyong pisong halaga ng iba’t ibang iligal na droga.
Ito ay matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang bahay na ginagawa ring isang makeshift clandestine shabu laboratory sa bahagi ng floodway, Brgy. San Andres, Cainta, Rizal.
Ayon kay PDEG Director P/BGen. Ronald Lee, ginawa ang operasyon sa tahanan ng isang Krystyn Almario Pimentel, isang curriculum developer na nadakip sa operasyon.
Nakuha ng mga awtoridad ang nasa P6.8 milyon na halaga ng shabu, 2 libong piraso ng suspected party drugs na ecstacy na may street value na P3.4 milyon at 10 maliliit na pakete o kalahating kilo ng kush o high grade marijuana na nagkakahalaga ng P60,000.
Natukoy ng PDEG na live-in partner nang naarestong drug suspect na si Pimentel ang isang Jose Aguilar alyas Ish na kaanak umano ng dating miyembro ng US Army na si Jason Ivler na pamangkin ng singer-composer na si Ka Freddie Aguilar.
Sinasabing na-deport sa Pilipinas si alyas Ish Aguilar mula sa Amerika dahil sa iligal na droga at ipinagpatuloy raw nito ang operasyon sa bansa kasama si Pimentel nitong isang taon.
Samantala, sa follow up operation kaninang hating gabi, napatay ng mga pulis ang kasama ni Aguilar na si alyas “Kuya” nang magkaengkwentro sa Riverside drive sa Lawton, Ermita, Maynila.
Nakatakas naman si Aguilar na sa sakay ng isang SUV habang nangyayari ang engkwentro.