Naghain ng resolusyon sa Kamara ang Makabayan bloc upang paimbestigahan ang umano’y paggamit ng pondo ng bayan sa pagbili ng pirma para sa Charter Change o Cha-Cha.
Ayon kay ACT Teachers Party-List Rep. France Castro, nakatanggap sila ng mga ulat hinggil sa vote buying para sa People’s Initiative na isang constitutional provision na mag-aatas sa Kamara at Senado na bumoto nang magkasama hinggil sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Ayon kay Castro, tila coordinated at may timeline na sinusunod ang mga nagtutulak ng Cha-Cha.
Kasama ni Castro na naghain ng House Resolution 1541 sina Kabataan Rep. Raoul Manuel at Gabriela Rep. Arlene Brosas.
Noong nakaraang linggo nang ibunyag ni Senator Imee Marcos ang umano’y alok na ₱20 million sa kada distrito sa ilang probinsya para bilhin ang boto ng mga tao para sa nasabing People’s Initiative.
Sa Bicol, ₱100 kada pirma ang bayaran ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman.
Umiikot na rin ang signature campaign sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Visayas, Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula.
Itinanggi naman ng People’s Initiative for Reform Modernization and Action o PIRMA na nagsusulong ng Cha-Cha na sangkot sila sa “signature-buying.”