Manila, Philippines – Umapela si 1-PACMAN Partylist Representative Michael Romero sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na itigil muna ang pagtaas ng kanilang interest rates.
Ito ay dahil nakakaapekto sa pagnenegosyo at sa proyekto ng gobyerno ang pagtaas ng interest rates sa mga loans.
Ayon kay Romero, dahil sa mataas na interest rates ay kumonti ang mga nagbubukas ng negosyo at bumaba ang porsyento ng mga kumukuha ng business loans mula sa 19.1% ay nasa 17.2% na lamang ito ngayong Setyembre.
Habang tumaas naman ang household consumption loans sa 17.9% mula sa 15.8% noong Setyembre dahil tumaas ang bilang ng mga kumukuha ng motor vehicle loans at credit card loans.
Dahil sa mataas na interest rates na ipinapatupad sa mga pautang sa bangko, apektado din sa pagpapalawak ng operasyon at expansion ang ilang mga industriya at kumpanya.
Mas lalo lamang pinamamahal ng BSP ang pagnenegosyo sa bansa at pati mga contractors sa proyekto ng pamahalaan ay apektado kaya asahan na ang negatibong epekto nito sa ekonomiya sa unang kalahating taon ng 2019.
Dahil dito, asahan na aniya ang pananatili pa ng mataas na inflation sa 6.7% o higit pa dahil sa mataas na paggastos at mataas na bilihin ngayong holiday.