Manila, Philippines – Naghain na ng petition para sa dagdag pasahe sa LTFRB ang Transport Network Company (TNC) na Grab sa isinagawang hearing ngayong umaga.
Kabilang sa mga hinihiling ng Grab ang karagdagang P2 per minute na charge sa pamasahe at ang pagpataw ng P60 na base fare mula sa dating P40.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, hindi pa tiyak kung kailan lalabas ang resolusyon.
Wala namang aniyang epekto ang P10 milyong naging multa ng Grab sa magiging desisyon ng board dahil ang sisilipin dito ay kung may pahintulot ba ang base fare, distant rate at surge na hinihiling nila.
Ayon sa opisyal, paplantsahin din nila ang fare structure hindi lamang ng Grab kundi lahat ng TNC at pinag-iisipan na rin aniya ng LTFRB ang pagpapatupad ng fare matrix sa TNCs, gaya ng ipinatutupad sa PUVs.
Anuman ang maging desisyon, siniguro ni Delgra na isasaalang alang ng ahensya ang interes ng mga pasahero.