Manila, Philippines – Nangalampag na rin ang grupong Sanlakas at mga manggagawa sa gobyerno dahil sa sobra nang taas ng singil sa kuryente ng Manila Electric Company o Meralco.
Ayon kay Sanlakas Secretary General Atty. Aaron Pedrosa, bukod sa pagmo-monopolyo sa power distribution sa NCR at Mega Manila mistula umanong magiging buwitre pa ang Meralco sa sandaling maaprubahan ang niluluto nitong panibagong power supply agreements.
Ang pahayag ng sanlakas ay kasunod ng inilabas na survey ng Pulse Asia na 84 porsiyento ng mga consumer sa Metro Manila ang nagsabing nasasaktan na sa mataas na singil ng Meralco habang 66 percent naman ang dismayado.
Ayon kay Pedrosa, dapat na isaalang-alang ng pamahalaan ang malaking porsiyentong pabor sa pagpasok ng panibagong electric service provider para tuluyan nang puksain ang pamamayani ng Meralco sa pagsu-suplay ng kuryente.
Dagdag ng grupo, napapanahon na ang pagtangkilik ng gobyerno sa renewable energy na bukod sa ligtas na sa kalikasan ay magiging mababa pa ang presyo ng kuryente para sa taumbayan.