Manila, Philippines – Umapela ang beverage industry sa gobyerno na magpatupad din ng warning label policy sa mga matatamis na pagkain.
Matatandaang plano ng gobyerno na lagyan ng graphic health warnings ang mga matatamis na inumin lamang.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, sinabi ng mga stakeholder ng beverage industry na dapat sakupin din ang mga packaged food product sa lalagyan ng warning label.
Dagdag pa ni Lopez, nababahala ang beverage industry na posibleng humina pa ang kanilang benta lalo at pinapatawan na ng excise tax ang mga matatamis na inumin.
Paglilinaw ng kalihim na layunin ng paglalagay ng label ay para magbigay ng kaalaman sa mga consumers ukol sa sugar content ng isang produkto.
Ipinapanukala ngayon ng DTI na ang mga manufacturers ay dapat tukuyin ang dami ng asukal kada gramo sa isang produkto sa halip na ilagay ang overall sugar content.