Manila, Philippines – Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo na intindihin ang kanyang mga hakbang para makipagayos sa rebeldeng Communist Party of the Philippines, New Peoples Army, National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Pangulong Duterte, sinabihan na niya ang mga Sundalo na huwag masaktan dahil alam niya na mahirap para sa mga ito na kaipagkasundo sa mga rebelde o mga kalaban ng estado.
Ito ay sa harap na rin ng dami ng bilang ng mga namatay na militar maging sa panig ng Philippine National Police (PNP) sa maraming taong pakikipaglaban sa rebeldeng NPA kung saan ang karamihan sa mga namatay ay resulta ng mga ambush kung saan pati mga sibilyan ay nadadamay.
Sinabi ng Pangulo, isa ang pagkakaroon ng kapayapaan sa kanyang mga pangako kaya isinusulong niya ang peace talks.
Matatandaan naman na hindi muna itinuloy ni Pangulong Duterte ang pagbabalik ng pormal na usapang pangkapayapaan sa rebeldeng grupo dahil kailangan ding malaman ang sentimyento ng publiko sa peace talks pati na ang mga nasa NPA infested areas sa buong bansa.