Manila, Philippines – Umaapela sa pamahalaan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa katarungan ng mga pinaslang indibidwal dahil sa pagtulong sa mga naisasantabing sektor ng lipunan.
Partikular na tinukoy ni San Jose Bishop Roberto Mallari ang kaso ng pananambang at pagpaslang kay Rev. Fr. Marcelito Paez na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikilala ang salarin mula nang mapatay noong ika-4 ng Disyembre sa Lambakin, Jaen, Nueva Ecija.
Ayon kay Bishop Mallari, ang panawagan ay hindi lang para kay Fr. Tito kundi sa lahat ng mga nagtatrabaho lalo na yaong mga tumutulong sa mga mahihirap.
Nag-alay ng misa ang Diyosesis ng San Jose bilang pag-alala sa unang taon nang pagkamatay ng pari na dinaluhan ng mahigit sa 30 mga pari at obispo kasama ang ilang tagasuporta ni Father Paez.
Sa huling impormasyong nakuha ni Bishop Mallari, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, minamanmanan si Father Paez noong dinalaw nito sa kulungan ang isang political prisoner upang asikasuhin ang paglaya nito.