Manila, Philippines – Umapela ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa lahat ng pasahero na huwag ilagay ng pera at mamahaling gamit sa loob ng check-in luggage.
Paliwanag ni MIAA General Manager Ed Monreal, walang magiging pananagutan ang airlines sa mawawalang gamit maliban na lamang kung ito ay idineklara at nabayaran bilang sakop ng insurance.
Ayon kay Monreal, magtatalaga sila ng 100 security personnel na kakabitan ng high-definition body cameras para ma-record ang lahat ng aktibidad ng mga tauhang humahawak ng bagahe ng mga pasaher mula sa eroplano hanggang sa mga terminal o vice versa.
Lahat aniya ng empleyadong nagtatrabaho sa tarmac ng NAIA terminals ay kailangang magsuot ng damit na walang bulsa, ipinagbabawal din ang pagsusuot ng alahas, paggamit ng mobile devices at matataas na bota.
Umaasa ang miaa na sa tulong nito ay matutukoy na ang mga taong nasa likod ng pagbubukas at pagnanakaw sa bagahe ng mga pasahero.