Manila, Philippines – Muling umaapela sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver na ibalik na ang dalawang pisong dagdag kada minutong singil nila.
Giit ni Winson Esteras, presidente ng coalition of TNVS Providers, mula nang suspendehin ang P2-per-minute charge ay nabawasan na nang 30 hanggang 50 porsiyento ang regular na kita ng mga TNVS driver.
Marami na rin aniyang mga TNVS driver na umaalis dahil sa baba ng kinikita kaya nagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng mga pumapasada.
Sabi naman ni Bobby Coronel, pinuno ng Team Speed, sa ngayon ay nasa 35,000 na lamang ang mga pumapasadang TNVS na tumatanggap ng 600,000 na booking request kada araw.
Ang P2-per-minute na singil ng mga TNVS ay bukod pa sa P40 na flagdown fee at P10 hanggang P14 rate kada kilometrong biyahe ng mga sumasakay.