UMAPELA | Pagbalik sa P8 ng minimum na pasahe sa jeep, inihirit

Manila, Philippines – Umapela sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang United Filipino Consumers & Commuters na ibalik sa dating ₱8.00 ang minimum na pasahe sa jeep.

Sa liham, hinimok sina LTFRB Chairman Martin Delgra III at board members Ronald Corpus at Atty. Aileen Lizada na pag-usapan muli ang ginawang pag-apruba sa taas-pasahe.

Katwiran ng grupo – limang sunod na linggo nang nagpatupad ng bigtime rollback sa presyo ng langis ang mga oil company at mismong mga eksperto na ang nagsabi na masusundan pa ito.


Pero ngayon pa lang, tutol na sa petisyon ng commuter group ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).

Sabi ni ACTO President Efren De Luna – malabo nang bawiin ang taas-pasahe dahil nakapagpalabas na ng permanenteng desisyon ang LTFRB.

Giit pa ni De Luna – matagal din nilang ipinaglaban ang hirit na dagdag-pasahe dahil sa problema sa traffic, pagtaas ng presyo ng langis at spare parts at pagpapatupad ng excise tax, E-VAT at fare discount.

Samantala, humiling na rin ng special board meeting si Lizada, na matatandaang naghain ng dissenting opinion sa fare hike para pag-usapan ang naging desisyon ng LTFRB.

Facebook Comments