Marawi City – Nanawagan na sa pamahalaan ang mga internally displaced families sa Marawi City na gawing mas maayos ang distribusyon ng relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naipit sa giyera ng tropa ng pamahalaan at Maute-ISIS Terrorists group .
Ang apela ay ginawa ni Mindanao State University Professor Monara Maruhom at miyembro ng Nuru Sallam, isang Non-Government Organization sa Lanao Del Sur sa pulong ng Muslim Religious Sector sa Quezon City.
Paliwanag ni Maruhom, mas makakabuti sana kung house to house na lamang ang pamamahagi ng tulong upang maiwasan ang haba, siksikan at agawan sa pila na minsan ay nauuwi sa balyahan.
Ito din ang naging dahilan para ang ibang pamilya ay hindi na kumukuha ng kanilang supply.
Mas paborable din sana sa kanila na sa halip na relief goods ang ibinibigay ng DSWD dapat pera na lamang para makapamili sila ng kanilang bibilhin at kakainin.
Samanatala, nakiusap din ang mga IDPs na unang bigyan ng temporary shelter ay ang mga talagang nangangailangan, walang-wala at iwasan na sana ang palakasan system.
Sa ngayon, tanging problema ng mga Internally Displaced Persons (IDPs) ay ang pagtatapunan ng basura dahil ang kanilang dumpsite ay nasa war zone area na hindi pa pinapayagang mapasok.