Manila, Philippines – Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga malalaking rice traders na wag pansamantalahan ang mga kababayan para kumita ng malaki.
Sa pulong ni Pangulong Duterte kasama ang mga malalaking rice traders sa bansa kahapon sa Malacañang ay sinabi ng Pangulo na alam niyang mga negosyante ang mga ito pero sana naman ay huwag silang mag overprice ng bigas at huwag na huwag mag horde o magtatago ng supply nito.
Sinabi naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol na nangako ang mga rice traders na dadamihan nila ang supply ng mga bagong bigas sa Metro Manila at ibebenta ng 39 pesos kada kilo.
Sinabi aniya ng mga rice traders na ang unang 100 libong sako ng bigas ay idadaan sa National Food Authority (NFA) na ibebenta naman ng mas mura.
Kabilang din aniya sa pangako ng mga rice traders ay magde-deliver ng 100 libong sako ng bigas sa Metro Manila habang hinihintay na makarating sa Pilipinas ang mga bigas na binili ng NFA mula sa ibang bansa.