Magsisimula na ang Commission on Elections (COMELEC) ngayong araw, August 27 sa pag-imprenta ng mga balota para sa September 22 Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Marawi City.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, mag-iimprenta ng halos 80,000 balota sa national printing office sa Quezon City.
Higit 53,000 ballots ay para sa barangay polls habang ang natitirang higit 26,000 ballots ay para sa SK polls.
Aniya, target nilang makumpleto o matapos ang ballot printing sa September 1.
Dagdag pa ni Jimenez, magkakaroon naman ng alternative voting centers para sa 24 na barangay na tinatawag na ‘ground zero’ sa Marawi lalo at hindi pa maaring makabalik ang mga residente.
Nakatakdang ilabas ng poll body ang listahan ng mga apektadong barangay sa susunod na buwan.