Manila, Philippines – Umarangkada na ang joint session ng Kamara at Senado para sa hirit na palawigin pa ang martial law sa Mindanao.
Alas 9:00 kaninang umaga nang magsimula ang sesyon na dinaluhan ng 14 na senador at 162 mga kongresista.
Bilang resource person, ipinaliwanag ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang mga basehan ng hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na paliwigin ang batas militar mula January 1 hanggang December 31, 2019.
Aniya, hanggang ngayon ay umiiral pa rin ang rebelyon sa rehiyon at hindi ito pwedeng ipagsawalang-bahala ng gobyerno.
Ayon sa AFP, may mahigit dalawang libong mga terorista pa ang nag-o-operate sa Mindanao kabilang ang 424 na Abu Sayaff Group, 264 na BIFF, 111 Daulah Islamiyah at 1, 636 Communist Terrorist Group.
Kaya para kay DILG Secretary Eduardo Año, makakatulong ang pagpapalawig ng batas militar para mas magampanan ng mga pulis at sundalo ang kanilang trabaho.
Pero tinutulan ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon at iginiit na wala namang nangyayaring aktwal na rebelyon sa Mindanao.
Aniya, pinakamataas na uri ng self-reservation ang martial law kaya hindi ito dapat ito maging “norm” o normal na lang sa mga tao.
Sabi naman ni Representative Edcel Lagman, hindi na maaari pang palawigin ang martial law dahil nagdeklara na ng liberation ng marawi ang Pangulo.
Lagi rin daw ipinagmamalaki na nakaambag nang malaki ang martial law sa pag-unlad ng Mindanao pero wala namang maipakitang datos na magpapatotoo rito.
Nagpapatuloy pa ang joint session ng Kongreso.