Manila, Philippines – Sinimulan nang iratsada ng House Committee on Ways and Means ang TRAIN 4 o ang ika-apat na bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion ng Duterte Administration.
Ang House Bill 8252 ay naglalayon na gawing simple at patas ang sistema ng pagpapataw ng buwis sa capital income at financial intermediaries gaya ng insurance.
Ayon kay Ways and Means Chairman Estrellita Suansing na siyang may-akda ng panukala, mabigat na bagahe sa financial sector ang kumplikadong tax structure at hindi competitive na tax system.
Suportado naman ng Department of Finance (DOF) ang hakbang ng pamahalaan na ayusin ang deficiencies sa financial sector at pagpapatupad ng reporma.
Samantala, humihirit naman ng pagrebisa ang ilang stakeholders sa ilang probisyon ng panukala.
Sinabi dito ni Executive Director Michael Bellosa ng Philippine Insurers and Reinsurers Association na ang insurance providers sa bansa ay nasa disadvantage dahil ang buwis sa Pilipinas ay kabilang sa pinakamatataas sa rehiyon.