Umento para sa gov’t nurses, pasok na sa Senate version ng 2020 budget

Naipasok sa Senate version ng P4.1-trilyong 2020 national budget ang pondo para sa umento sa sweldo ng mga government nurses.

Umaasa si Senator Panfilo Ping Lacson na hindi ito matatabunan o matatanggal sa Bicameral Conference Committee kung saan paplantsahin ang pagkakaiba sa bersyon ng Senado at Kamara ng 2020 budget.

Sa ilalim ng probisyon sa Senate version ng national budget ay itinaas sa salary grade 15 o katumbas na P30,531 ang buwanang base pay ng government nurses na sang-ayon sa utos ng Korte Suprema.


Sa isinagawang budget deliberations ng Senado ay isinulong ni Senator Lacson ng kunin sa bahagi ng inilaang pondo para sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund ang P3.173 bilyon para sa bagong salary grade ng government nurses.

Samantala, ang Bicam naman para 2020 budget ay sisimulang isagawa ngayong alas dyes ng umaga sa Manila Polo Club.

Ang contingent ng Senado ay pangungunahan ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara.

Kasama ding haharap sa Bicam sina Senators Ralph Recto, Franklin Drilon, Ping Lacson, Cynthia Villar, Pia Cayetano, Win Gatchalian, Bong Go, Richard Gordon, Imee Marcos, Joel Villanueva, Risa Hontiveros, Nancy binay, Grace Po at Kiko Pangilinan.

Facebook Comments