Umento sa sahod, hindi totoong magdudulot ng pagkalugi sa mga negosyo

Mariing kinontra ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas ang argumentong malulugi ang mga negosyo kapag nagpatupad ng umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ayon kay Brosas, ilang dekada nang pinapasan ng mga manggagawa ang kinikita ng mga malalaking negosyo kaya malaki na ang utang nila sa Filipino workers.

Diin pa ni Brosas, mas lalong kahiya-hiya na umangal pa ang mga negosyante sa wage hike samantalang sila ang nakinabang sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act at napakarami pa nilang tax incentives at privileges sa ilalim ng CREATE MORE Law.


Kasabay nito, sinuportahan ni Brosas ang panawagan ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sertipikahang urgent ang panukalang batas na wage increase.

Ang mensahe ni Brosas ay makaraang aprubahan ngayong araw ng House Committee on Labor and Employment ang substitute bill at committee report para sa P200 across the board legislated wage increase para sa private sector.

Facebook Comments